Friday, March 20, 2020

COVID-19 sa Pilipinas, Nawa'y Matapos na

Sa huling datos ng Department of Health (DOH) sa Pilipinas, ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng may COVID-19 ay 230 na at 18 na ang mga namatay. Ilang araw palang ang nakalilipas. Naka-Community Quarantine na nga pero marami pa ring nakumpirma. Karamihan sa mga namatay ay nasa 60 pataas na taong gulang at may mga iba pang sakit. Ang pagkabahala ng mga mamamayan dito sa Ilocos ay nakababahala lalo pa't may kumpirmado ng 2 sa Caba, La Union. Ang nakatatakot kasi ay ang Asymtomatic ibig sabihin walang simtomas ng COVID pero ito pala ay positibo rito. Maiintindihan ko kung magpapanic ng ang mga tao ukol dito. Hindi ito pagiging OA o ano pa man pero kinakailangan ang kooperasyon ng bawat mamamayan lalo na ngayon. Maraming nagkakalat ng maling impormasyon at dahil dito marami na rin ang nagpapanic buying. Pasalamat nalang sa ibang establisyemonto dito sa Candon Ilocos Sur at alam nilang isipin ang kapakanan ng lahat. Isang halimbawa ang CSI Candon, kung saan hindi hinahayaang makabili ang isang tao ng napakaraming alcohol. Isa lamang para sa isang kustomer. Ang iba kasi sinasamantala na ang crisis na eto. Hindi ko naman nilalahat ang mga "online sellers" dahil ang iba sa kanila ay nakukuha ang mga alcohol o mask sa mas mahal ng halaga mula rin sa suppliers. Sana nga lang di na sila kumuha sa mga suppliers na ang hangad lang ay kumita. Napapaisip nga lamang ako ngayon, ngayong naka-enhanced community quarantine na, may mabebenta pa ba ang mga gahamang suppliers? kasi siyempre mababawasan na ang kanilang benta dahil hindi naman na lahat lumalabas ng kanilang tahanan. Mas nais na nga ng iba ang washable mask. Sa kabilang banda, sa panahong naka enhanced community quaratine tayo, heto naman ang panahong nakakarekober na ang ating inang kalikasan. Nabawasan na ang mga polusyon dulot ng mga sasakyan, mga pabrika at mga dumi. Nagkabonding na rin ang mga pamilya. Nakakapaglibang na rin ang mga subsob sa trabaho. Ngunit sa kabila ng mga positibong dulot ng enhanced quarantine ay siya namang pagtataya ng kalusugan at buhay ng ating mga frontliners tulad ng ating mga Doktor, Nars, Medical Staff at mga Pulis. Isang napakalaking hamon sa pagpigil ng pagkalat ng COVID. May bali-balita pa kasing may mga tumatakas matapos magpositibo sa COVID. Halos lahat alam na napakadaling makahawa ang COVID carrier. Mas marami pa ring negatibong dulot ng COVID na ito kaya sana naman lahat ay makibahagi sa layunin ng paaralan. Sana nga matapos na ang COVID na ito. Matatapos na rin sana ang pagkagahaman ng iba, matapos na ang pag-aalala at magsasama na rin ang mga kristiyano sa pagpupuri at pagsamba sa may kapal. Sa gitna ng crisis na ito, napagtanto ko na walang saysay ang yaman, walang saysay ang kagalingan.. sa Diyos pa rin tayo hihingi ng kaligtasan at kagalingan. COVID-19, nawa'y matapos ka na.

No comments:

Post a Comment